Saturday, April 23, 2011

Mga Tula Tungkol sa Aking Anak at Asawa (18)


XVIII. Pananabik

Kung pananabik
ay dumadaloy,
sinasambit ko lamang sa isip ang
"Intoy! Intoy!"
At anong mahika ang nasa salita?
Luha itong pinapalis
ang puwing na naligaw sa mata
o kurot sa puso na bumara
dahil sa nananabik kang makita. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (17)


XVII. Pagpasok sa trabaho

Siya ay kanyang inilapag sa lamesa.
Pagkatapos, isinaksak niya ang extension cord.
Nag-charge ng cellphone.
Inilapat sa lamesa ang fan ng computer.
Ipinatong dito ang notebook.
Binuksan ito tulad ng isang bagong gising na mata. 
Pinindot ang "ON" ng notebook.
Pinili ng mouse ang "Defragmentation."
Nagtimpla ng kape.
Nang "Defragmentation Complete" na,
ini-restart ang computer.
Sinimulan niyang sulatin ang dapat sulatin
sa nakahanay na buong araw na gawain.
Pero bago tipain ang unang salita,
inubos muna ang kape at tinitigan siya:
ang nakakawdrong larawan na kay rikit.
Bubulong siya sa kanyang isip:
"Intoy! Intoy ko!" kasabay ang matipid na ngiti
at magaang na kurot ng titig sa kanyang
sa malambot na noo at pisngi.
Tahimik lang na sasagot
ang nakipagtitigang singkit na mga mata.
Alam niya, na kahit de-pindot ang maghapong trabaho,
may dahilan ang pagod;
kung bakit kailangang hindi mapagod.
At kung bakit kailangan higit na kumayod.
Dahil bukas, siya ay kanyang ilalapag muli sa lamesa. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (16)


XVI. Lawas

Duyan ang yayat kong bisig,
anak, at dito kita pinaghehele.
Nang maidlip, ipinagkatiwala kita sa kuna.
Kasabay ng ngalay, ng batak ng halubigat,
hinatak ang tingin ko sa malambot na uniberso
na naiwan sa aking kanang braso.

Rabaw ng pilapil sa mga natuyong bukirin?
Kalsada’t kalyehon ng mga nagdidigmaang lungsod?
Kikiwal-kiwal na bituka ng burukratismo?
Mapa ng kung saang daan
ng mga sangandaan ng isip at alalahanin?

Maraming marahil
ang dahil ng mga hilahil.
Ngunit ang tiyak ko lamang sa ngayon:
ito ang palatandaan sa iyong
limang buwan na lawas at bigat;
nagsasala-salabid ang lamat
na bumakat sa aking balat
tulad ng daldak na guhit sa palad.  #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (15)


XV. Titig

Parang balon na malalim
ang iyong iyak, anak.
Laluna’t di matiyak
ang pinagbubukalan ng luha.
Pinadedede ka naman.
Pinaghehele sa ugoy ng oyayi at duyan.
May kung anong kirot ang kumukurot
sa ubod ng loob kapag tinititigan mo ako
habang pumapalahaw ka at nag-aalboroto.
Dahil ang mata mo ay mata ko rin,
sabi nga nila at ng sinumang nakakakita.
Ang titig ang nagiging wika ng ating mga puso
na tahimik, matalas na nag-uusap tungkol
sa mga bagabag at alalahanin.
Ngunit hindi nagpapanagpo ang ating mga tingin.
Hindi ko tuloy masalok
ang iyong luha upang mapahid ang mga ito.
Nang kalungin ka ng iyong nanay,
naunawaan ko, mula doon ang sagot.
Sa inyo lamang mag-ina
ang wika sa gitna at pagitan ng kalawakan.
Dahil sa pagitan natin ay ang puwang na sinisisid,
pinupunan ng nanay upang mabuo ang pagtahan.
Inukit na saysay ang gramatika sa balon ng buhay:
babasaging uniberso na siyam
na buwang nakalutang sa sinapupunanan. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (14)


XIV.Iyak

Parang iisa lamang ang uha at iyak
ngunit palaisipan ang dahilan.

Maaaring
gutom, gustong dumede
inagawan ng antok, hanap ay ugoy
di mapakali, dahil dumumi o naihi
gustong magpahele, dahil naglalambing.

Ngunit kung halos mabanat na ang mga ugat
at litid sa leeg, at wala sa mga ito ang dahilan
maaaring meron siyang dinadaing.

Doon mo mararamdaman na ang pag-iyak
ay kurot ng ligalig at aasamin mo na
sana ay nakakapagsalita na siya
upang bigyang hugis ang danas na sakit. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (13)



XIII. Ang bunsong kapatid ng tula

Kanina, sabay na dumating
ang Musa ng talinghaga
at ang iyak ng bata.

Sa unang pagkakataon,
ipinagkanulo ko ang aking selosang tula
sa iyak ng anak kong nasa kuna at nag-aapuhap ng kalinga.

Maiintindihan nya rin ako.

Dahil kailangang magpaubaya
at magpasintabi ng Musa-Tula
sa kanyang bunsong kapatid na umuuha. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (12)


XII. Himbing

Sa gitna ng kanyang alimpungat at himbing,
ang sariling daigdig na kanyang hinahabi.
Hindi dapat mapatid ang lubid
ng pasalit-salit na buntong-hininga.

Kaya kapag nabato-balani ka niya,
natututuhan mong kailangang ilapat
ang pinakamasinsin na katahimikan:

ang mahinhing bigat na lapat ng yapak
ang kiming pagpikit ng screen ng pinto
ang malambot na paghaplos sa kanyang bumbunan
at sa kanyang malutong na buto at kalamnan
kahit ang iyong marahang ihip
ng llyebo kwarentang tinig at hininga.

Dahil kung hindi,
mawawala sa pagkapako at pagkakaayon
ang lahat ng lawas at malulunod,
ikakandado niya tayo ng titig sa hangin.
Sa kanyang hugis puso't matimyas na labi
ay ang kanyang ngalangalang binabatak ng iyak:
ang palatandaang may nakapasok na hindi inaasahan
sa kanyang malutong at babasaging daigdig. #