Friday, April 22, 2011

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (1)



I. Pagdating

Mahabang garalgal na dahak ng syudad
ang singasing ng elisi ng eroplano.
Sa bulsa ng puso,
may impit na ligalig ang nakasingit
sa gitna ng alapaap at paglapag
sa lunan ng paroroonan.
Nakalambitin ang buntonghininga
lalupa't ang usad ay sinusundot
ng mga ligaw na hangin,
nalulubak sa mga ulap
na parang hindi nakapagpreno
sa di napansing umbok na mga humps.
Pagbaba mo,
isa kang bagong silang na sanggol:
inaaninag mo ang mapa ng bagong
heograpiya ng memorya't alaala;
ang lapat ng yapak ay nangingilala,
nangangapa, nagbabakasakaling
may katanguan na naligaw na di
sinasadyang magkukrus kayo ng landas.
At pwedeng mapagtanungan. Ngunit wala.
Sa dulo ng lagusan, ang umpisa ng paghihintay:
ang pagdating ng sundo na nabinbin
dahil walang signal ang SUN.
(Umuulan daw kasi sabi ng drayber ng traysikol.)
Sa nakakwadrong himpapawid,
tinitigan mo ang nakapakong larawan ng Tacloban:
sa ibabaw ng air tower,
(nagpakilala siya bilang DANIEL Z. ROMUALDEZ)
nakausli ang mga sanga ng puno;
halos lagas na ang dahon ngunit kandong-
kandong ang dalawang palinga-lingang ibon.
Dinuduyan ng hangin ang mga alalahanin. #



No comments:

Post a Comment