Showing posts with label Tula Tungkol sa Semana Santa. Show all posts
Showing posts with label Tula Tungkol sa Semana Santa. Show all posts

Wednesday, April 20, 2011

Tagulaylay sa Silong ng Krus (8)


VIII.Ang lubid

Isalong
ang lubid sa balikat,
ang tuntungan
sa paghatak
ng halubigat.
Axis itong
tila nakatarak
sa lapat ng krus
na pinipihit,
binubuhat,
bumibigat.

Tulad ng daigdig
na tila may
nakangusong lubid
dahil sa bigat na bitbit
sa dibdib
dulot
ng imperyalismong ganid
ng nalasong tubig
ng toxic na hangin
at
ng takip at tabing
na nalulusaw at natutunaw
sa ating mga puyo at bumbunan. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (7)


VII.Ang pahinga
(Pagkapanood sa “Kailangan Kita” tampok sina Aga Mullach, Claudine Barreto at Johnny Delgado)

Sa kanyang higaan ng karamdaman,
nagtanong si Papay
(si Johnny Delgado na tatay ni Claudine sa pelikula)
“Nagkamali ba ko sa pagpapaki sa mga anak ko?”

Tanong itong sumisibat sa kanyang sakit sa puso.
Laluna sa sitwasyon niya ngayon:
Anak na lalaking hiwalay sa asawa;
Anak na pari na nagresign dahil gustong mag-asawa
(kung hindi ako nagkakamali gusto niyang sumama sa bakla.)
Panganay na anak na babaeng hindi sumipot sa araw ng kasal
dahil mas abala sa kanyang trabaho sa Italya, sa Milan;
At pangalawang anak na babae na si Lena
(si Claudine sa pelikula).

Hindi naging perpekto ang kanyang himaton,
naiinggit siya sa Bulkang Mayon.

Ngunit doble kirot ang kurot ng anak niyang si Lena.
Pinahiya siya kaya natalo sa pagka-mayor
noong eleksyon dahil umibig siya at nais
sumama sa kababatang nag-NPA.

Nang dumating si Carl (sa pelikula, si Aga Mullach
na nagbalikbayan at pakakasalan ng ate ni Claudine)
doon nagsimulang maghalo ang tinalupan sa balat.
Umibig, o inibig ni Aga si Claudine
dahil kay Claudine niya natutuhan --
ang kumain ng sili at laing;
ang purihin ang makulay na buhay, kultura at kapaligiran
ng Legazpi City at Bicol na tinubuang lupa din naman pala ni Aga;
ang patawarin at mahalin ang tatay na nag-NPA din pala;
kumbaga,
ang paghilumin ang sugat ng nakaraan
na nagnanaknak ngayon sa kanyang puso at isipan.

So, ano ngayon?

Sabi ng tatay ni Aga, pare-pareho lang naman
ang mga sangkap na gamit sa paggawa ng laing.
Nagkakaiba lang sa bigat o higpit ng pihit
sa pagpiga ng niyog para makagawa ng gata.

Ganundin sa anak, Johnny Delgado.
At hindi, hindi ka nagkamali.

Ngunit tulad ng bulkan,
may saloobin at nais ang iyong mga anak
na kapag pinigil nang matagal,
puputok at sasambulat.
Sapagkat ang iyong mga anak
ay hindi lamang ninyo mga anak
kundi anak sila ng kanilang panahon,
At kakambal nila ang kanilang
sariling desisyon batay sa sitwasyon at pagkakataon. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (6)


VI.Ang mga namamanata

Sila ang tinatawag na pumapasan,
bumubuhat, bumabatak, namamanata.

Sila ang mga

Kaopisina
Kakwentuhan ng libog at laswa
Kasama sa pagtula, pagpinta at sining
Kabilyaran paglabas ng opisina
Katagay sa minamadaling-araw na kampay
Kinakamayan sa panahon ng halalan
Taong simbahan
Gumagawa ng parol, ibon at Galilea
Kasamang saksi sa Sayaw ng Bati kapag Salubong,
sumasagot-sigaw ng “Viva!” pagka-dicho ng Kapitana:
“Wika'y resurekti! Aleluya! Aleluya! Viva!”
Drayber ng traysikel
Mosiko at nag-aacademia sa tabi ng Don Antonio’s
Tumataya sa lotto
Nakakasalubong sa Hi-way, Anlenes o Torvet
Pumapangos ng fried itik, sinukmani o biko
Umaakyat palagi, o minsan, sa Fiesta Casino
Sinasalya at nagkakatuwaang nag-aagawan kapag panigang
Sumasakay sa ferris wheel
Kasamang mga esposa at anak
Nagpatikim ng marijuana na tinanggihan pero minsang pinagbigyan
Nasasalubong sa tulay ng Baraka na kilala lang sa mukha
Kasama sa karera ng higante at kalabaw
Kabasaan kapag Pagoda
Kasabay na sumisigaw ng “Viva! San Clemente! Viva!”

Sila ang buhay at dugo
ng sining at kultura sa bayan ng Angono.

Sila ang tula. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (5)


V.Ang Prusisyon

Nag-a-“Aba Ginoong Maria”
ang tunog-AM na trompa sa bubong ng traysikel.

May kumagat sa isang piraso ng Sky Flakes.

May namamanatang bumubuhat,
humihitit ng Philip.

May ngumuso at tumango.

May tumungga ng mineral water.

May napangiti nang basahin
ang text sa kanyang cellphone.

May magkakambal na pisngi, namimintog
dahil sa pag-ihip-buga sa French Horn.

May lalaking bata ang pumalahaw
dahil nawala sa paningin ang kanyang nanay.

May nakangangang nag-aabang.

May kulubot na labi
na umuusal ng Salmo Responsorio.

May sumisigaw ng “Oooppps!
Oooppps! Tatama sa kawad ng kuryente!”
ang nakapotong na gintong korona ng isang santa.

May numero sa bawat balakang ng karosa
ang nagpaparadang mga santo.

May pigil na napatakam
nang makakita ng babaeng nagpuprusisyon,
tila dinidilaan ng kandilang apoy ang kanyang malaking suso.

Nauumid,
nauupos,
umiikli
ang dila
ng kandila.

At sa pagitan nina
Maria Magdalena at Ina ng Awa,
ang dulo ng paghihintay at pagsisino:
ang nauuhaw na SeƱor Hesus Nazareno. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (4)




IV. Ang Buhay
(pasintabi kay Haruki Murakami, may-akda ng nobelang “Kafka on the Shore”)

Sa may panginorin ng daigdig, nakapangalumbaba
kang nakaupo, naninimbang, at naghihintay.
Ako naman ay said ng Lawa ng Pinatubo;
Mga salitang walang diwa,
nakatayo sa anino ng pahina na tila pinto.

Kinukumutan ng silahis ng buwan ang mahimbing na butiki.
Umulan ng mga galunggong, daing at pagi.
Sa kalsada, may mga sundalong buo ang loob na masawi.

Nakaupo si Emiliano Jacinto sa pampang ng San Juan
tila nakatutok ang isip sa axis na nagpapaikid sa daigdig.
Kapag ang puso ay nakapinid,
ang anino ng walang imik na bul-ul,
ay balaraw na humihiwa sa mga panaginip.

Ang nalulunod na palad ng dalaga
ay nakapagitan sa nag-uumpugang bato,
tila nagsasa-Bernardo Carpio sa San Mateo, humihingi ng saklolo.
Nang iangat niya tulad ng isang ballerina ang kanyang asul na bestida,
hinigop siya ng aliw-iw ng dagat, at nakatitig siyang nagpaalam –
kay Emiliano Jacinto na naghihintay,
nakapangalumbaba, at nakaupo sa Mahin* na Puting Buhangin sa Boracay. #

*Mahin – salitang B’laan sa lalawigan ng Sarangani na singkahulugan ng “beach” sa wikang Ingles

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (3)


III.Biyernes Santo

Sibat na kulay kahel ang paalapaap na sinag;
kasingtinis ng umiikot na dvd, cd, at vcd
ang twit-twit ng mga ibon sa natitirang
kawayanan sa pusod ng lungsod;
kumakatok sa dingding ang tik-tak ng orasan;
pumapatak sa balde ang tubig mula sa gripo.

Dila ng ahas
ang hanging kumakagat sa balat;
ang mga labi ay nabibitak,
habang nagdurugo
ang nakapakong palad
ng tanghaling tapat. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (2)


II.Huwebes Santo

Narito ang duguang mukha
ng panganay ng Enero,
isinusungaw ng hanging-Abril
sa noo ng mga eskinita at kanto.
Walang labentador, o kwitis,
o samu’t saring ilaw
ang bumabasag sa bungo ng langit.
Ngayo’y piping bibig
at putol na dila ang lumilingkis
sa hampas ng bawat Segundo,
sa hataw ng bawat Minuto,
sa padyak ng bawat Oras.

Nag-aapoy ang sugat ng langit.

Naghuhunos sa pisngi ng kalsada
ang mainit na luha ng daigdig;
pumuputok ang mga labi
na naglunoy sa tisiko
ng champagne, beer at Coke.
Humahaplit na koronang tinik
ang apdo ng bawat isa,
waring sumisikdo at nagsasalita
sa bawat habol ng buntonghininga.

Sa bawat hampas ng panata,
lumalapad ang bitak sa kalsada. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Tagulaylay sa Silong ng Krus (1)


I.Pagninilay

Sabi ng Simbahan, pagninilay
ang kahulugan ng Mahal na Araw.
May hihigit pa kaya sa pagbubulay-bulay
kaysa sa mga tula
na bulong at pintig ng puso
ngayong duguan ang palad
ng tanghaling tapat
at

sa kapayapaan,

nandoon si Longinus sinisibat
ang dibdib ng oras?

Kung hindi man kapantay,
mas higit pa
mas higit pa
ang tula kaysa sa panalangin.

Sapagkat diyos ang tula
at isang manlilikha ang makata. #

(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)