Saturday, April 23, 2011

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (16)


XVI. Lawas

Duyan ang yayat kong bisig,
anak, at dito kita pinaghehele.
Nang maidlip, ipinagkatiwala kita sa kuna.
Kasabay ng ngalay, ng batak ng halubigat,
hinatak ang tingin ko sa malambot na uniberso
na naiwan sa aking kanang braso.

Rabaw ng pilapil sa mga natuyong bukirin?
Kalsada’t kalyehon ng mga nagdidigmaang lungsod?
Kikiwal-kiwal na bituka ng burukratismo?
Mapa ng kung saang daan
ng mga sangandaan ng isip at alalahanin?

Maraming marahil
ang dahil ng mga hilahil.
Ngunit ang tiyak ko lamang sa ngayon:
ito ang palatandaan sa iyong
limang buwan na lawas at bigat;
nagsasala-salabid ang lamat
na bumakat sa aking balat
tulad ng daldak na guhit sa palad.  #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (15)


XV. Titig

Parang balon na malalim
ang iyong iyak, anak.
Laluna’t di matiyak
ang pinagbubukalan ng luha.
Pinadedede ka naman.
Pinaghehele sa ugoy ng oyayi at duyan.
May kung anong kirot ang kumukurot
sa ubod ng loob kapag tinititigan mo ako
habang pumapalahaw ka at nag-aalboroto.
Dahil ang mata mo ay mata ko rin,
sabi nga nila at ng sinumang nakakakita.
Ang titig ang nagiging wika ng ating mga puso
na tahimik, matalas na nag-uusap tungkol
sa mga bagabag at alalahanin.
Ngunit hindi nagpapanagpo ang ating mga tingin.
Hindi ko tuloy masalok
ang iyong luha upang mapahid ang mga ito.
Nang kalungin ka ng iyong nanay,
naunawaan ko, mula doon ang sagot.
Sa inyo lamang mag-ina
ang wika sa gitna at pagitan ng kalawakan.
Dahil sa pagitan natin ay ang puwang na sinisisid,
pinupunan ng nanay upang mabuo ang pagtahan.
Inukit na saysay ang gramatika sa balon ng buhay:
babasaging uniberso na siyam
na buwang nakalutang sa sinapupunanan. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (14)


XIV.Iyak

Parang iisa lamang ang uha at iyak
ngunit palaisipan ang dahilan.

Maaaring
gutom, gustong dumede
inagawan ng antok, hanap ay ugoy
di mapakali, dahil dumumi o naihi
gustong magpahele, dahil naglalambing.

Ngunit kung halos mabanat na ang mga ugat
at litid sa leeg, at wala sa mga ito ang dahilan
maaaring meron siyang dinadaing.

Doon mo mararamdaman na ang pag-iyak
ay kurot ng ligalig at aasamin mo na
sana ay nakakapagsalita na siya
upang bigyang hugis ang danas na sakit. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (13)



XIII. Ang bunsong kapatid ng tula

Kanina, sabay na dumating
ang Musa ng talinghaga
at ang iyak ng bata.

Sa unang pagkakataon,
ipinagkanulo ko ang aking selosang tula
sa iyak ng anak kong nasa kuna at nag-aapuhap ng kalinga.

Maiintindihan nya rin ako.

Dahil kailangang magpaubaya
at magpasintabi ng Musa-Tula
sa kanyang bunsong kapatid na umuuha. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (12)


XII. Himbing

Sa gitna ng kanyang alimpungat at himbing,
ang sariling daigdig na kanyang hinahabi.
Hindi dapat mapatid ang lubid
ng pasalit-salit na buntong-hininga.

Kaya kapag nabato-balani ka niya,
natututuhan mong kailangang ilapat
ang pinakamasinsin na katahimikan:

ang mahinhing bigat na lapat ng yapak
ang kiming pagpikit ng screen ng pinto
ang malambot na paghaplos sa kanyang bumbunan
at sa kanyang malutong na buto at kalamnan
kahit ang iyong marahang ihip
ng llyebo kwarentang tinig at hininga.

Dahil kung hindi,
mawawala sa pagkapako at pagkakaayon
ang lahat ng lawas at malulunod,
ikakandado niya tayo ng titig sa hangin.
Sa kanyang hugis puso't matimyas na labi
ay ang kanyang ngalangalang binabatak ng iyak:
ang palatandaang may nakapasok na hindi inaasahan
sa kanyang malutong at babasaging daigdig. #

Friday, April 22, 2011

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (11)


XI. Dalisay na galak

Hinahanap natin sa kanya
ang lagda ng dugo
ang mapa ng ating anino.
Para tayong mapangahas na manlalakbay
na kinakapa ang dilim ng daan
ang alon sa kanyang balat
ang arko sa kanyang kilay
ang dagat sa kanyang noo
ang bukal sa kanyang labi
ang baliktad na Bulkang Mayon sa kanyang baba
ang tulay ng San Juanico sa kanyang leeg
ang dalisay na hininga sa kanyang dibdib
ang babasaging uniberso sa dulo ng kanyang kuko
ang batong buhay na nasa kanyang tuhod
ang ugat ng badhi na nasa kanyang talampakan.

Matutuwa tayo kapag nakita natin ito.
O naaninag kahit papaano.
At kung may salamin lamang sa ating harapan,
habang ginagawa natin ito,
nadiskubre na rin natin marahil
ang ganitong tagpo noong tayo'y isilang:
dahil doon natin nauunawaan
ang kahulugan nang dalisay at bunsong galak. #



(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula. Ang litrato ay mula sa http://www.google.com.ph/imglanding?q=Father+looking+at+his+baby+son&hl=en&biw=1003&bih=369&gbv=2&tbm=isch&tbnid=_RflMdLFzuIFAM:&imgrefurl=http://www.givenlife.com/weekly/2010/09/you-yes-you-are-a-child-of-god/&imgurl=http://www.givenlife.com/images/weekly/father_son.jpg&w=300&h=239&ei=BXWyTfnLA4yuvgP1u-iIBw&zoom=0&iact=rc&page=1&tbnh=92&tbnw=116&start=0&ndsp=10&ved=1t:429,r:5,s:0

Tula Tungkol sa Aking Anak at Asawa (10)


X. Ang Aral

Kung matututo lamang
tayo sa kanya,
napakaganda ng daigdig:

Ito ay isang bote ng dede.

Hindi niya ito nakikita na

kalahating walang laman
kundi kalahating puno.

At ihahatid siya sa malambot na daigdig ng idlip.
Kung saan kulay bahaghari ang mga panaginip. #


(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula. Ang litrato ay mula sa
http://www.layoutsparks.com/1/46109/rainbow-colorful-clouds-design.html