Monday, April 25, 2011

Pitong (7) na Tula para sa mga Manggagawa at Maralita


I.Papuri sa lakas-paggawa

Kasingkinang ng araw
ang kislap ng paghataw;
sa bisig nagkabuhay
pagsilang ng salaysay. #


II.Eton
Para sa kanila, ang araw na iyon,
Enero 27, 2011, ay isang aksidente lamang;
isang buhol na napigtas sa karaniwang
pagbabanat ng araw.
Napatid ang gondola at bumulusok tayo
sa sanga-sanga ng iskapolding
na gulugod ng itinatayo nating lunsod.

Joel Avecilla,
Michael Tatlonghari,
Celso Mabuting,
Kevin Mabunga,
Benbon Cristobal
.
Ngunit hindi aksidente na tayo’y ganito:
tinatakal ng orasan,
kinukutsara ng tanghalian ang ating lakas
pinapalitadahan ang ating katauhan
ngunit laging kulang ang salop.
Dahil itinutulak tayo
sa pagmamadali’t dupikal ng batengteng;
hindi nila inireremit ang ating SSS;
at ang 404 piso dapat na arawang sahod
ay tinitipid, inuumit 
upang tulad ng bloke-blokeng semento
ay maging matibay na gusali sa bulsa ng kapitalista.
Hindi aksidente
na tayo’y bumulusok sa ating libingan.
Tisoy Perez,
Vicente Piñion,
William Bañez,
Jaykie Legada
Jeffrey Diocado.
Hindi aksidente
o kapritso ng kasaysayan ang ating tadhana
kundi itinatakda, pinahihigpit ng sakal
ng makina at pihit ng granahe.

Kung kaya dahil hindi tadhana,
nasa atin ang pagguhit; ang pagtukoy sa krokis.
Sinusukat natin sa balikat at biyas ang lawak ng lungsod
at kahit ang kanyang sinisinok na buntonghininga
tulad ng mga umaga na nagkakape tayo

at nakatanghod

tinatanaw ang paghahatid sa yapak
kung saan muli hahantong ang apak
upang pagbalik sa bahay, at sa minamahal,
ay may ngiti -- kasingkalansing ng ating hawak na barya –
ang ngiti nating ipapasalubong.
Kahit nasa ating balikat ang bigat ng syudad,
gumagaan ito dahil sa anak na naghihintay ng kalong at buhat.
Huwag kaming kalimutan.
Tisoy Perez,
Vicente Piñion,
William Bañez,
Jaykie Legada
Jeffrey Diocado.
Dahil dugo namin ang nagpapatibay
sa muhon
sa pader
at kisame ng nagtatayugang gusali at kondominyum.
Buhayin ang aming alaala sa mga panawagan:
Itaas ang sweldo!
Katatagan sa paninirahan!
Kalayaang mabuhay nang marangal!
Huwag nyo kaming kalimutan dahil muli kaming babalik.

Joel Avecilla,
Michael Tatlonghari,
Celso Mabuting,
Kevin Mabunga,
Benbon Cristobal
.

Dahil tulad ng abo na nakalagda sa aming noo,
papagaspas ang uwak na nakahapon sa aming balikat;
tutukain ang kawayan habang pasingkad sa alapaap
upang magtiyap at bumalik ang heograpiya ng lawas
tulad ng kung paanong
ang mga nawala’t ninakaw sa amin
ay makikita namin sa takdang araw
na kumakatok sa aming tarangkahan --
nakahain sa lamesa’t kusina
o nakasuksok sa malambot na unan ng aming himbing
sa pagtulog at paghabi ng dakilang panaginip
laluna’t hugis singkaw
ang buwan sa banig ng mga bituin.
Pagbuksan nyo kami.
Ngunit kung ayaw kaming patuluyin
kami’y magiging ligaw na hangin,
bibikig sa inyong paglunok at lalamunan;
hihiwa’t pupuwing
sa inyong nakamulagat na pagmamasid at titig.

Kung kami man ay maligaw,
hindi kami matutulad sa dilang lansangan ng Babel.
Ihahatid kami pabalik ng aming kabataan.
Dahil sa bisig nito,
nakadugtong ang aming apdo at likaw,
nakasingkaw din sa mapa ng aming hinagap:
tulad ng mga kalyehon na sa lansanga’y nakaugat
pumipintig sa aming kalyuhing palad. #


III.Lyka Eman

Ano ang kahulugan ng pagbabalik-tanaw
sa ika-38 taon ng deklarasyon ng Batas Militar?

Itanong natin kay Lyka Emam, 32 taong gulang
at buntis ng pitong buwan.
Setyembre 8, bandang ala-sais ng gabi,
dumating ang MMDA Sidewalk Clearing Operations Team
sa kanyang bangketa sa Kaunlaran Extension,
Manggahan-Litex, Commonwealth Avenue.
Kinumpiska nila ang kariton ni Lyka kung saan itinitinda niya
sa bangketa ang asin. Nagmakaawa siya na itigil. Pero
pwersahan pa rin nilang inagaw ang kanyang tinda
at tsaka sinipa ang kariton na sumalpok naman sa kanyang tiyan.
Kinagabihan, dinugo si Lyka. Gumapang sa kanyang hita
ang banta at pangamba. Sakay ng taxi, isinugod siya
sa ospital pero clinically dead na nang tingnan ng mga duktor.

Tanungin natin si Lyka tungkol sa Batas Militar.
Totoo. Hindi na siya makakasagot.
Pero ang kanyang pagkamatay ay nangungurot;
asin na nakabudbod sa sugat ng alaala
na hindi natin alam kung kailan maghihilom:
na sa gilid ng lungsod,
isang ina ang ninakawan ng hanap-buhay
isang ina ang ninakawan ng sanggol sa sinapupunan
isang ina ang ninakawan ng kinabukasan.
Sino ang hindi luluha ng asin
at mapapamura sa ibinabantayog na lansangan ng kaunlaran
kung may naulilang kariton
kung ang mga asin ay naipong luha ng dagat
sa ating madilim na panahon?

Tinatanong tayo ni Lyka: ano ang kahulugan
ng ika-38 Taon ng Deklarasyon ng Batas Militar? #


IV. ABS-CBN Fireworks Display

Sumirit ang mga kwitis at pailaw
sa pinakarurok na maaabot,
tulad ng ganansya at network rating
na kumikinang sa financial chart at report.
Bumagsak ang mga patpat
sa kubol ng mga manggagawang nagpipiket
dahil tinanggal sila sa kanilang trabaho.
Ngunit hindi sapat ang mga patpat
kahit man lang panggawa ng saranggola
para sa kanyang hikaing anak na nasusulasok
dahil sa naiwang amoy at usok. #


V.Jan-jan

Hindi ba’t maraming kompanya ang hindi
nagbibigay ng tamang pasahod at minimum wage?
Nakanino ang mas malaking kita?
Sino ang mas naaaliw?

Nakakagawa ng walong pares na sapatos
ang isang manggagawa sa pabrika at kumikita siya
ng humigit-kumulang P400 piso sa isang araw.
Kung itatantos ang kanyang kinita
sa kanyang lakas paggawa na binayaran,
magkano kapag ibinenta sa megamol ang walong sapatos?
Sino ang mas kumita?
Sino ang mas naaaliw?

Matapos mag-ingles-ingles, sumusweldo
ng ilang daan sa isang araw ang nasa call center.
Pero magkano ang kita ng dayuhang kompanya?
Sino ang mas kumita?
Sino ang mas naaaliw?
Ano ang gagawin sa mga nag-iiingles
pagkatapos ng anim na buwan?

Kumikita ng milyon
ang mga nakakurbata sa Makati.
Sino ang mas kumikita?
Hindi ba’t mas naaaliw ang mga bossing
na nasa korporasyong multi-nasyunal?

Dumadagsa sa bansa
ang mga sundalong militar ng Kano
at pinagpapraktisan ng pasabog
at barilan ang ating kalikasan.
Hindi ba minumura ang ating kalikasan?

Binomba ng U.S. at Allies ang Iraq at Libya,
sino ang kumita sa mga armas pandigma?
Sino ang kikita sa langis at mantika?
Sino ang mas naaaliw?
Hindi ba minumura
ang soberanya ng mga taga-Libya?

Minura ni Willie
ang batang si Jan-jan at tsaka binigyan ng pera.
Pero sino ang mas malaki ang kita
habang minumura ng kahirapan ang iba?
Hindi ba’t ang mga mogul na nasa media?

Hindi ba minumura ang ating lakas-paggawa?
Hindi ba tayo minumura ng kahirapan?
Hindi ba tayo minumura ng sistemang naghahari-harian?
Hindi ba tayo minumura ng mga kapitalista?
Hindi ba tayo minumura ng imperyalista? #

VI.San Roque

Kaninang umaga, dinemolish ng pinagsama-samang pwersa
ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at QCPD
anti-riot team ang mga naninirahan sa Sitio San Roque,
Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Ayon sa mga ginoo’t kagalang-galang, binabawi lamang
daw nila ang lupa ng pamahalaan na iligal na inokupahan
ng mga nasabing residente.

Ilang tanong lamang mga ginoo’t kagalang-galang:
Hindi ba kabilang sa publiko ang mga residente na inyong pinalalayas?
Kung deka-dekada na silang naninirahan dito, sila ba ay
pugad ng iligal kaya pinalalayas nyo nang mas mabilis pa sa alas-kwatro?
Kung mula sa demolisyon at guho itatayo nyo ang central business,
kanino ba ito nakasentro? Saan nakatungtong ang ganitong asenso?
Hindi ba sa mga tulad nilang hanggang noo ang utang
at nakakaraos sa buhay isang kahig isang tuka araw-araw?
Hindi kaya habang nagwiwindow-shopping ang karamihan,
walang mahagilap na hanapbuhay ang inyong mga pinagtabuyan;
kulay putik ang tubig na galing sa poso;
hindi makapag-aral ang kanilang mga anak
dahil malayo sa eskwelahan;
at binubunot din sa kanilang komunidad
ang kultura at kasaysayan?
Sino ang nakikinabang sa kaunlaran?
Sino ang nasasagasaan sa sangandaan
ng nagbubunong-brasong dambuhalang kapital
at katwirang magkaroon ng matinong matitirahan?

Kung hinahanap nyo ang katwiran sa itatayong edipisyo,
mga kagalang-galang at ginoo,
tingnan nyo ang kahulugan ng di mabundat-bundat na kapital:
sa malawak na parking area na semento at espasyo
ang inyong mga higanteng tubo ay pinupulot nyo na parang
sinasamyo nyo sa tanghaling tapat ang bulaklak ng katuray. #


VII. Panunumpa ng Manggagawa Para sa Ligtas na Pagtatrabaho

Ako ay manggagawa
tungkulin ko ang magtrabaho
nang pinakamatapat at pinakamahusay
sapagkat ito ang pinagkukuhanan ng aking kabuhayan
para sa aking sarili, pamilya at mahal sa buhay.

Dahil dito
lagi kong iisipin at isasaalang-alang
ang aking kaligtasan,
kapakanan at kabutihan
ganundin ng aking mga katrabaho at kasama.
Iingatan ko ang aking mga gamit,
magiging masipag,
pantay at makatarungan sa lahat.
Hindi ko gagamitin
ang anumang pagkakataon
upang magsamantala ng kapwa manggagawa.

Sisikapin kong paunlarin
ang aking talino,
kakayahan
at lakas ng katawan
upang maging sulit ang buong araw.
Ipaglalaban ko ang aking karapatan
na laging maging ligtas sa trabaho
anumang panahon.

Higit sa lahat,
ipaglalaban ko
ang pagkakaroon ng makatarungang sahod
dahil ang kaligtasan sa trabaho
ay nangangahulugan din
nang makatwiran
at makataong pamumuhay
bilang isang Pilipino.

Sa lahat ng ito,
nawa’y patnubayan ako
ng Dakilang Manggagawa at Manlilikha. #


(Panunumpang babasahin para sa paggunita ng Workers Memorial Day 2011 ngayong Abril 28.)

-Richard R. Gappi
Angono 3/7 Poetry Society Inc.
11:35AM, Miyerkules, 27 Abril 2011
Angono, Rizal, Pilipinas

(Disclaimer: Ang mga litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)


Richard "Intoy" R. Gappi Jr.'s 1st Recorded Sound Art/Poetry :)


First recorded sound art/spoken word/poetry of my son, 5-month old Richard "Intoy" R. Gappi Jr. :) Recorded on April 4, 2011. Please visit: http://www.youtube.com/watch?v=C6XANKrVJoM

Sunday, April 24, 2011

"Sayaw ng Bati" marks 2011 Easter Sunday's Salubong in Angono: The Art Capital of the Philippines


Hundreds of Angono, Rizal residents and Catholic faithful watched the “Sayaw ng Bati” marking the Easter Sunday in Angono, Rizal on early morning of April 24, 2011.

“Sayaw ng Bati” is a unique and endemic tradition in Angono in which a Galilea and two young ladies dance and recite a poem to pay tribute and honor to Jesus Christ’s mother, Mama Mary.

Galilea is a makeshift stage of bamboos decorated with flowers and palm leaves where a heart-shape structure hangs in the middle.


Upon the Kapitana’s signal which is part of the “dicho” or poem, large papier mache of birds open this to reveal the little girl/angel. The angel then removes Mama Mary’s black veil on her head to signal the end of her grief and welcome the resurrection of her Son, Jesus Christ.

The two young ladies, called “Kapitana” and “Tenyenta,” perform a dance by rotating, bowing, bending as low as possible, and with one of their hands on their waist and the other swirling in the air while holding a cloth banner etched with “Hallelujah.”


The “Tenyenta” performs a slow moving dance along with the “sorrow” tune provided by Banda Uno of Angono.

The “Kapitana” follows by reciting a poem tracing the sorrow, pain, and victory of Mama Mary as her Son has resurrected. After the poem, the “Kapitana” dances like waltz. The band accompaniment though is now livelier to symbolize joy and celebration.


This year, however, a glitch occurred when the heart-shape structure failed to open when the birds tried to unlock it. Organizers manually opened the structure. Despite this, the people warmly applauded when they saw the angel and sang “Regina Coeli.”


The “Kapitana” and “Tenyenta,” along with other young ladies who act as councilors or assistants, are chosen annually through lottery.

Once selected, they are supposed to remain unmarried or refrain from unwanted pregnancy. Otherwise, she will be stripped of her duties.


The “Kapitana,” meanwhile, has one year to learn the dance steps and memorize the poem, which takes at least 20 minutes to recite.

The dance steps are taught by Ti Martha Vitor, one of the gatekeepers of this highly treasured tradition in Angono.

It is also the Kapitana's duty to solicit financial and moral support from her friends, families and community to pay for the expenses on this rare event of being chosen as the next bearer of Angono tradition which started during the waning years of Spanish colonialism. (Richard R. Gappi, Community Affairs Assistant/Assistant Public Information Officer, Municipality of Angono.)




Captions:

1st photo: Mrs. Martha Vitor, the gatekeeper of Angono's tradition called "Sayaw ng Bati" held during Easter Sunday in Angono, Rizal known as the "Art Capital of the Philippines," poses after the "Salubong." Behind her is the "Galilea," the makshift stage made of bamboos, flowers and palm leaves where a heart-shape structure hangs in the middle and where the "angel" is kept inside.

2nd photo: The "Kapitana" (in red) and "Tenyenta" in this year's celebation of Easter Sunday.

3rd photo: The heart-shape structure hanging in the middle of the "Galilea" where the "angel" is kept inside.

4th photo: Ti Martha Vitor (foreground) watches as the Kapitana performs her "Sayaw ng Bati". Photo by Jan Nico Simpao Macapagal.

5th photo: Mama Mary is reunited with her Son, Jesus Christ.

6th photo: Image of the resurrected Jesus Christ.

7th and 8th photo: Mama Mary and Jesus Christ proceed inside the St. Clement Parish Church marking the end of the Easter Sunday procession.

(Unless otherwise indicated, the photos were taken by the author Richard R. Gappi. April 24, 2011. Angono, Rizal, Philippines)

Saturday, April 23, 2011

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (22)


XXII.  Pahabol-sulat sa aking asawa

Pinagtitibay ang pag-ibig  
sa iba’t ibang lagda, halimbawa,
nagiging singsing ang buwan.

Ngunit, wala dito ang aking pag-ibig.

Kundi,
ito ay nasa suot mong damit;
ang iyong kaluluwa ay nisnis ng hibla
na niyayakap ko anumang oras o panahon;
hinuhubad
upang masalamin natin ang isa’t isa
mula lamat ng balat hanggang pilat ng loob.

Nasa kahubdan natin ang aking pag-ibig.
Pinagtitibay ito ng titig na sumisilip
hanggang sa ubod ng iyong pintig sa dibdib.

Kahit
pangil ang buwan
na nakasampay sa langit. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (21)


XXI.Pahabol sulat: Ang Tacloban

ay airport na Daniel Z. Romualdez
ay traysikol, hindi traysikel
ay Kalipayan: magkatapat ang Medhealth at Suzuki Motors
ay graffiti ng Pilipinas Street Plan sa pader ng sementeryo
ay padyak na malalaki ang gulong, parang sa China
ay Bethany Hospital
ay Jollibee na katapat ng Simbahan ng Our Lady of Perpetual Help
ay higanteng in-can na Coke, Sprite at Royal
ay Robinsons kung saan nasa second floor ang LBC Express
ay Remedios Trinidad Romualdez Hospital kung saan ipinanganak si Intoy ko
ay sina Dr. Tobio at Dr. Ayaso
ay sina Yaya at Edward
ay si Bea na gifted child at mas magaling pa sa akin kung mag-English
ay sina Rachel, Ruby at Ruthie
ay sina Mama Linda at Papa Rodolfo
ay kulay orange na gate ng bahay
ay super delayed na telecast na laban nina Paquiao at Margarito
ay pampers, mittens, cotton balls, Bonna at breastfeeding
ay "Waray!",  "Ambot!", "Limpio!"
ay sina Baan at kasama niyang asawa ng mayor
ay pier na katabi lang ang Tacloban Public Market
ay Leyte Normal University
ay St. Paul Hospital kung saan nagpa-blood test si Intoy
ay Dream Cafe
ay Cafe Lucia at Tacloban Coliseum na laging nadadaanan pero di napuntahan
ay U.P. Tacloban at Sto. Nino Shrine
ay Adventure na auto at service
ay si Richard na batang elementary student
ay boarding fee na 30 pesos
ay Amikacin at Ampicillin
ay GMA, Rose Pharmacy at Mercury Drug Store kung saan brown out kanina
ay mga dilaw na multi-cab byaheng Tacloban-Robinsons
ay signboard na San Jose, Kalipayan, Imelda-Downtown, Diritso, Palo
ay sina Leah Ramos at Baby Boy Intoy Junior

ay ang malamig na alas-tres na hangin ng Kalipayan, Tacloban
na bigong higupin at patuyuin, ayaw magpaampat, ang mga luha sa pisngi
dahil sa anak nyang iiwan pabalik ng Angono at Maynila. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (20)



XX .Sa kanto ng Real at Sagkahan

Ang kanto ng Real at Sagkahan sa Kalipayan, Tacloban
ang sangadaan ng mga buntonghininga.

Ng ina na akay-akay ang anak
habang patawid sa pedestrian lane
Ng drayber na nakasalat sa kambyo
habang nakaantabay sa go-signal ng traffic enforcer
Ng mga nakatalungkong padyak
habang naghihintay at nangungumbinsi ng pasahero
Ng mahabang pila ng mga tumataya sa lotto
kahit hindi pa nagsusuklay ang umagang alas-otso.

Samantala, may isang ama ang kipkip ang dyaryo;
katatawid pa lamang sa dulo ng pedestrian lane
at bitbit-bitbit ang binili niyang baby wipes, gatas at diaper.

Nadiskaril ang buntonghininga
nang muntik ng magbanggaan ang motor at padyak.
Sinulid na hininga lamang ang pagitan.
Pagkatapos, pareho silang bumubulong
habang papahiwalay, papalayo.
Ang ama naman ay papaliit na tuldok,
butil sa dulo ng pangungusap ng umaga.
Sa kanto ng Real at Sagkahan sa Kalipayan, Tacloban
kung saan nagsasangandaan ang mga buntonghininga. #


(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (19)


XIX. Bilin

Sa iyong paglaki,
Anak,
magkakaroon ng kahulugan
ang espasyo't patlang.
Kahit kalahating puno ang daigdig,
may kalahati ang wala.
Kung tumitig ka man
at iyakap ang tingin ng kalinga sa mga wala,
magalit ka, mapoot.
Ngunit huwag,
huwag lamang magmukmok at magpakulong dito.
Diligan ng sigasig ng pag-asa ang poot.
Marami ngayon ang galit
sa daigdig dahil marami ang wala.
Ngunit sila ay nagmamahal at lumalaban
dahil nais nilang mawala ang wala
at ang poot ng kawalan. #

Mga Tula Tungkol sa Aking Anak at Asawa (18)


XVIII. Pananabik

Kung pananabik
ay dumadaloy,
sinasambit ko lamang sa isip ang
"Intoy! Intoy!"
At anong mahika ang nasa salita?
Luha itong pinapalis
ang puwing na naligaw sa mata
o kurot sa puso na bumara
dahil sa nananabik kang makita. #

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (17)


XVII. Pagpasok sa trabaho

Siya ay kanyang inilapag sa lamesa.
Pagkatapos, isinaksak niya ang extension cord.
Nag-charge ng cellphone.
Inilapat sa lamesa ang fan ng computer.
Ipinatong dito ang notebook.
Binuksan ito tulad ng isang bagong gising na mata. 
Pinindot ang "ON" ng notebook.
Pinili ng mouse ang "Defragmentation."
Nagtimpla ng kape.
Nang "Defragmentation Complete" na,
ini-restart ang computer.
Sinimulan niyang sulatin ang dapat sulatin
sa nakahanay na buong araw na gawain.
Pero bago tipain ang unang salita,
inubos muna ang kape at tinitigan siya:
ang nakakawdrong larawan na kay rikit.
Bubulong siya sa kanyang isip:
"Intoy! Intoy ko!" kasabay ang matipid na ngiti
at magaang na kurot ng titig sa kanyang
sa malambot na noo at pisngi.
Tahimik lang na sasagot
ang nakipagtitigang singkit na mga mata.
Alam niya, na kahit de-pindot ang maghapong trabaho,
may dahilan ang pagod;
kung bakit kailangang hindi mapagod.
At kung bakit kailangan higit na kumayod.
Dahil bukas, siya ay kanyang ilalapag muli sa lamesa. #