Ano ang pangalan ng Anino?
Batay sa isang kwento
sa isang pista ng bayan sa Batangas,
inimbitahan ang isang grupo
ng mosiko na mga taga-Angono upang tumugtog.
Dahil hindi pa nagsisimula, nag-swimming muna
sila sa dagat bago magtanghaling tapat.
Nang nagtanghal na sila,
kumumpas ng “Nobody, nobody but you”
at mga awit-martsa ang konduktor.
Ngunit walang nakikiindak at nakikisayaw
sa saliw ng kanilang mga kanta.
Nangatwiran ang ilan sa mga nakikinig:
“Pistang pista e, bakit ang tugtog nyo
e, parang punebre.”
Naumid ang dila nang lahat.
Kaya pala, may kulang na tunog
sa matalas na pandinig ng kumukumpas.
Pumunta sila sa dalampasigan.
At nakita nila ang duguang noo
at nakahandusay na katawan ng Anino.
Samantalang ang Anino naman,
naglalakad papatawid sa kabilang pampang;
parang isang bangkang naglalayag sa rabaw
ng dagat habang papalubog ang araw.
At sa unang pagkakataon,
naramdaman ng Anino
ang kanyang kalayaan;
hiwalay ang sarili sa katawan
at nagkaroon ng sariling
pangalan. #
(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)
No comments:
Post a Comment