Dayo kang dumalaw sa akin isang araw.
At ngayon, nababakat ko pa ang lapat
ng iyong bigat. Basag na salaming humihiwa
sa aking balikat ang iyong mabibigat na lakad.
Milya-milya na ang inikid ng iyong buntung-hininga.
At ang buhol ng batak ng halubigat ay laging
naglulubid ng tandang pananong; tuwina’y naghahagilap:
Nasaan sa pagitan ng bumbunan at talampakan
ang ubod ng iyong buod? Ito ba ay nasa pusod
kung saan hinuhugot ka, pinuputol,
upang lumaya at magpatuloy? Kung masumpungan
man, ito ba ang mga piraso na bahagi sa pagbuo?
Nasa badhi* ng iyong palad ang sagot.
Hipuin ang mata ng tubig sa kilapsaw ng dagat.
Huwag mong ilista sa tubig o suntukin ang aking anino.
Dahil tulad mo, isa akong palutang-lutang na nilalang;
nagkakapangalan tuwing nananalamin sa liwanag.
Huwag lamang hiwalayan si Mihragan**
dahil kung hindi, baka sabay tayong makabitaw --
tulad ng pula ng itlog na nababasag ngayong araw --
hihigupin at babawiin ng kalawakan
hanggang sa pinakalalim-laliman.
*badhi- guhit sa palad
**Ang Pagdiriwang ng Pag-ibig sa Zoroastrianism na ipinagdiriwang tuwing unang araw ng Autumnal Equinox sa kalendaryo ng bansang Iran. Ngayong taon, pumapatak ito sa petsang Setyembre 23 sa oras na 11:09 ng umaga.
(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)
No comments:
Post a Comment