Mga Tinig mula sa Angono, Rizal: Mga Tula ni Richard R. Gappi Mula 1993 Hanggang sa Kasalukuyan
Wednesday, April 20, 2011
Para sa JSMJC Batch '88
Hinahanap ko ang talinghaga ng pagbabaliktanaw.
At nakipagtitigan sa aking silid ang relo
na souvenir sa ating reunion noong ika-25 taon;
nakabitin sa puting dingding at tinatakal ang hangin.
Marami nang niligid ang ating pag-ibig.
Marami nang lupa at dagat ang ating tinawid.
Ngunit nandito pa rin ang oras, hindi tayo pinagkaitan.
Dahil lumayo man tayo sa isa’t isa, may axis na krokis;
may sangandaan kung saan nagtatagpo ang panahon at lugar.
Tulad ngayon.
Kukulayan natin ng kwentuhan at kamustahan
ang mga puwang nang hindi natin pagkikita.
Pagkatitig sa kaharap,
bigla nating mapapansin at mamamalayan
na kulay puti na pala ang bigote o buhok ng ating kausap:
May lolo’t lola na sa atin. May biyudo’t biyuda.
May kakakasal pa lang. At mayroon na ring namaalam.
Mula doon, mararamdaman natin ang hiwaga
ng pagtatagpo, ang hiwaga na biyaya ng sarili at buhay:
Dahil walang pinagbago
ang paraan at boses ng ating kanya-kanyang tawa at galak --
ang palatandaan sa ating
pagiging magkakaklase at magkakaibigan.
-Richard R. Gappi
7:59PM, Martes, 29 Marso 2011
Angono, Rizal, Pilipinas
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment