Monday, April 25, 2011

Pitong (7) na Tula para sa mga Manggagawa at Maralita


I.Papuri sa lakas-paggawa

Kasingkinang ng araw
ang kislap ng paghataw;
sa bisig nagkabuhay
pagsilang ng salaysay. #


II.Eton
Para sa kanila, ang araw na iyon,
Enero 27, 2011, ay isang aksidente lamang;
isang buhol na napigtas sa karaniwang
pagbabanat ng araw.
Napatid ang gondola at bumulusok tayo
sa sanga-sanga ng iskapolding
na gulugod ng itinatayo nating lunsod.

Joel Avecilla,
Michael Tatlonghari,
Celso Mabuting,
Kevin Mabunga,
Benbon Cristobal
.
Ngunit hindi aksidente na tayo’y ganito:
tinatakal ng orasan,
kinukutsara ng tanghalian ang ating lakas
pinapalitadahan ang ating katauhan
ngunit laging kulang ang salop.
Dahil itinutulak tayo
sa pagmamadali’t dupikal ng batengteng;
hindi nila inireremit ang ating SSS;
at ang 404 piso dapat na arawang sahod
ay tinitipid, inuumit 
upang tulad ng bloke-blokeng semento
ay maging matibay na gusali sa bulsa ng kapitalista.
Hindi aksidente
na tayo’y bumulusok sa ating libingan.
Tisoy Perez,
Vicente Piñion,
William Bañez,
Jaykie Legada
Jeffrey Diocado.
Hindi aksidente
o kapritso ng kasaysayan ang ating tadhana
kundi itinatakda, pinahihigpit ng sakal
ng makina at pihit ng granahe.

Kung kaya dahil hindi tadhana,
nasa atin ang pagguhit; ang pagtukoy sa krokis.
Sinusukat natin sa balikat at biyas ang lawak ng lungsod
at kahit ang kanyang sinisinok na buntonghininga
tulad ng mga umaga na nagkakape tayo

at nakatanghod

tinatanaw ang paghahatid sa yapak
kung saan muli hahantong ang apak
upang pagbalik sa bahay, at sa minamahal,
ay may ngiti -- kasingkalansing ng ating hawak na barya –
ang ngiti nating ipapasalubong.
Kahit nasa ating balikat ang bigat ng syudad,
gumagaan ito dahil sa anak na naghihintay ng kalong at buhat.
Huwag kaming kalimutan.
Tisoy Perez,
Vicente Piñion,
William Bañez,
Jaykie Legada
Jeffrey Diocado.
Dahil dugo namin ang nagpapatibay
sa muhon
sa pader
at kisame ng nagtatayugang gusali at kondominyum.
Buhayin ang aming alaala sa mga panawagan:
Itaas ang sweldo!
Katatagan sa paninirahan!
Kalayaang mabuhay nang marangal!
Huwag nyo kaming kalimutan dahil muli kaming babalik.

Joel Avecilla,
Michael Tatlonghari,
Celso Mabuting,
Kevin Mabunga,
Benbon Cristobal
.

Dahil tulad ng abo na nakalagda sa aming noo,
papagaspas ang uwak na nakahapon sa aming balikat;
tutukain ang kawayan habang pasingkad sa alapaap
upang magtiyap at bumalik ang heograpiya ng lawas
tulad ng kung paanong
ang mga nawala’t ninakaw sa amin
ay makikita namin sa takdang araw
na kumakatok sa aming tarangkahan --
nakahain sa lamesa’t kusina
o nakasuksok sa malambot na unan ng aming himbing
sa pagtulog at paghabi ng dakilang panaginip
laluna’t hugis singkaw
ang buwan sa banig ng mga bituin.
Pagbuksan nyo kami.
Ngunit kung ayaw kaming patuluyin
kami’y magiging ligaw na hangin,
bibikig sa inyong paglunok at lalamunan;
hihiwa’t pupuwing
sa inyong nakamulagat na pagmamasid at titig.

Kung kami man ay maligaw,
hindi kami matutulad sa dilang lansangan ng Babel.
Ihahatid kami pabalik ng aming kabataan.
Dahil sa bisig nito,
nakadugtong ang aming apdo at likaw,
nakasingkaw din sa mapa ng aming hinagap:
tulad ng mga kalyehon na sa lansanga’y nakaugat
pumipintig sa aming kalyuhing palad. #


III.Lyka Eman

Ano ang kahulugan ng pagbabalik-tanaw
sa ika-38 taon ng deklarasyon ng Batas Militar?

Itanong natin kay Lyka Emam, 32 taong gulang
at buntis ng pitong buwan.
Setyembre 8, bandang ala-sais ng gabi,
dumating ang MMDA Sidewalk Clearing Operations Team
sa kanyang bangketa sa Kaunlaran Extension,
Manggahan-Litex, Commonwealth Avenue.
Kinumpiska nila ang kariton ni Lyka kung saan itinitinda niya
sa bangketa ang asin. Nagmakaawa siya na itigil. Pero
pwersahan pa rin nilang inagaw ang kanyang tinda
at tsaka sinipa ang kariton na sumalpok naman sa kanyang tiyan.
Kinagabihan, dinugo si Lyka. Gumapang sa kanyang hita
ang banta at pangamba. Sakay ng taxi, isinugod siya
sa ospital pero clinically dead na nang tingnan ng mga duktor.

Tanungin natin si Lyka tungkol sa Batas Militar.
Totoo. Hindi na siya makakasagot.
Pero ang kanyang pagkamatay ay nangungurot;
asin na nakabudbod sa sugat ng alaala
na hindi natin alam kung kailan maghihilom:
na sa gilid ng lungsod,
isang ina ang ninakawan ng hanap-buhay
isang ina ang ninakawan ng sanggol sa sinapupunan
isang ina ang ninakawan ng kinabukasan.
Sino ang hindi luluha ng asin
at mapapamura sa ibinabantayog na lansangan ng kaunlaran
kung may naulilang kariton
kung ang mga asin ay naipong luha ng dagat
sa ating madilim na panahon?

Tinatanong tayo ni Lyka: ano ang kahulugan
ng ika-38 Taon ng Deklarasyon ng Batas Militar? #


IV. ABS-CBN Fireworks Display

Sumirit ang mga kwitis at pailaw
sa pinakarurok na maaabot,
tulad ng ganansya at network rating
na kumikinang sa financial chart at report.
Bumagsak ang mga patpat
sa kubol ng mga manggagawang nagpipiket
dahil tinanggal sila sa kanilang trabaho.
Ngunit hindi sapat ang mga patpat
kahit man lang panggawa ng saranggola
para sa kanyang hikaing anak na nasusulasok
dahil sa naiwang amoy at usok. #


V.Jan-jan

Hindi ba’t maraming kompanya ang hindi
nagbibigay ng tamang pasahod at minimum wage?
Nakanino ang mas malaking kita?
Sino ang mas naaaliw?

Nakakagawa ng walong pares na sapatos
ang isang manggagawa sa pabrika at kumikita siya
ng humigit-kumulang P400 piso sa isang araw.
Kung itatantos ang kanyang kinita
sa kanyang lakas paggawa na binayaran,
magkano kapag ibinenta sa megamol ang walong sapatos?
Sino ang mas kumita?
Sino ang mas naaaliw?

Matapos mag-ingles-ingles, sumusweldo
ng ilang daan sa isang araw ang nasa call center.
Pero magkano ang kita ng dayuhang kompanya?
Sino ang mas kumita?
Sino ang mas naaaliw?
Ano ang gagawin sa mga nag-iiingles
pagkatapos ng anim na buwan?

Kumikita ng milyon
ang mga nakakurbata sa Makati.
Sino ang mas kumikita?
Hindi ba’t mas naaaliw ang mga bossing
na nasa korporasyong multi-nasyunal?

Dumadagsa sa bansa
ang mga sundalong militar ng Kano
at pinagpapraktisan ng pasabog
at barilan ang ating kalikasan.
Hindi ba minumura ang ating kalikasan?

Binomba ng U.S. at Allies ang Iraq at Libya,
sino ang kumita sa mga armas pandigma?
Sino ang kikita sa langis at mantika?
Sino ang mas naaaliw?
Hindi ba minumura
ang soberanya ng mga taga-Libya?

Minura ni Willie
ang batang si Jan-jan at tsaka binigyan ng pera.
Pero sino ang mas malaki ang kita
habang minumura ng kahirapan ang iba?
Hindi ba’t ang mga mogul na nasa media?

Hindi ba minumura ang ating lakas-paggawa?
Hindi ba tayo minumura ng kahirapan?
Hindi ba tayo minumura ng sistemang naghahari-harian?
Hindi ba tayo minumura ng mga kapitalista?
Hindi ba tayo minumura ng imperyalista? #

VI.San Roque

Kaninang umaga, dinemolish ng pinagsama-samang pwersa
ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at QCPD
anti-riot team ang mga naninirahan sa Sitio San Roque,
Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City.
Ayon sa mga ginoo’t kagalang-galang, binabawi lamang
daw nila ang lupa ng pamahalaan na iligal na inokupahan
ng mga nasabing residente.

Ilang tanong lamang mga ginoo’t kagalang-galang:
Hindi ba kabilang sa publiko ang mga residente na inyong pinalalayas?
Kung deka-dekada na silang naninirahan dito, sila ba ay
pugad ng iligal kaya pinalalayas nyo nang mas mabilis pa sa alas-kwatro?
Kung mula sa demolisyon at guho itatayo nyo ang central business,
kanino ba ito nakasentro? Saan nakatungtong ang ganitong asenso?
Hindi ba sa mga tulad nilang hanggang noo ang utang
at nakakaraos sa buhay isang kahig isang tuka araw-araw?
Hindi kaya habang nagwiwindow-shopping ang karamihan,
walang mahagilap na hanapbuhay ang inyong mga pinagtabuyan;
kulay putik ang tubig na galing sa poso;
hindi makapag-aral ang kanilang mga anak
dahil malayo sa eskwelahan;
at binubunot din sa kanilang komunidad
ang kultura at kasaysayan?
Sino ang nakikinabang sa kaunlaran?
Sino ang nasasagasaan sa sangandaan
ng nagbubunong-brasong dambuhalang kapital
at katwirang magkaroon ng matinong matitirahan?

Kung hinahanap nyo ang katwiran sa itatayong edipisyo,
mga kagalang-galang at ginoo,
tingnan nyo ang kahulugan ng di mabundat-bundat na kapital:
sa malawak na parking area na semento at espasyo
ang inyong mga higanteng tubo ay pinupulot nyo na parang
sinasamyo nyo sa tanghaling tapat ang bulaklak ng katuray. #


VII. Panunumpa ng Manggagawa Para sa Ligtas na Pagtatrabaho

Ako ay manggagawa
tungkulin ko ang magtrabaho
nang pinakamatapat at pinakamahusay
sapagkat ito ang pinagkukuhanan ng aking kabuhayan
para sa aking sarili, pamilya at mahal sa buhay.

Dahil dito
lagi kong iisipin at isasaalang-alang
ang aking kaligtasan,
kapakanan at kabutihan
ganundin ng aking mga katrabaho at kasama.
Iingatan ko ang aking mga gamit,
magiging masipag,
pantay at makatarungan sa lahat.
Hindi ko gagamitin
ang anumang pagkakataon
upang magsamantala ng kapwa manggagawa.

Sisikapin kong paunlarin
ang aking talino,
kakayahan
at lakas ng katawan
upang maging sulit ang buong araw.
Ipaglalaban ko ang aking karapatan
na laging maging ligtas sa trabaho
anumang panahon.

Higit sa lahat,
ipaglalaban ko
ang pagkakaroon ng makatarungang sahod
dahil ang kaligtasan sa trabaho
ay nangangahulugan din
nang makatwiran
at makataong pamumuhay
bilang isang Pilipino.

Sa lahat ng ito,
nawa’y patnubayan ako
ng Dakilang Manggagawa at Manlilikha. #


(Panunumpang babasahin para sa paggunita ng Workers Memorial Day 2011 ngayong Abril 28.)

-Richard R. Gappi
Angono 3/7 Poetry Society Inc.
11:35AM, Miyerkules, 27 Abril 2011
Angono, Rizal, Pilipinas

(Disclaimer: Ang mga litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)


No comments:

Post a Comment