“Naganap ang natatanging full solar eclipse sa ika-21 siglo noong Hulyo 21, 2009. Ayon sa mga siyentipiko, mauulit lamang ito sa taong 2132.” – Emily Chang, CNN
Binalumbunan ng belong itim
ang gintong liwanag na nakalatag sa daigdig.
Anino itong nakahabong wari
at tumatabing sa ika-apat na dekada
ng unang lapat ng yabag
sa sinusuntok natin araw-araw
sa pilak na iniaalay sa tinatanging mahal
sa inaasam nating maghuhulog ng sundang.
Kung sa amin, ganito ikinakasal ang tikbalang:
habang nagdurugo ang tanghaling tapat
kasingsintalas naman ng pako ang sibat ng ulan.
Paano ito ngayon papangalanan ng sandaigdigan?
Maaari: ibibigay ng teleskopyo ang apelyido nito na sinipat pa
mula sa subukang tubo at panganay na piraso ng uniberso.
Mangangatwiran naman ang krus:
ito’y sangandaan na ang mga tulos –
tulad ng ngipin ng kandila – ay kaylan ma’y ‘di mabubulok at mauupos;
lamparang may ‘di masasaid na langis,
nakatanglaw at nagniningning sa apat na sulok nang madilim na silid.
Gayunman, sasagot ang alipato
na nakahapon sa sanga ng dapithapon --
Na tulad ng abo,
tinatangay lamang ng hangin ang ating
gumagaan, pumapailanlang na katawan at larawan
patungo sa kung saan man mapadpad.
Walang naiiwan na anino.
Ngunit lahat ay may apelyido tulad ng kamposanto.
(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)
No comments:
Post a Comment