I.
Nililingon natin ang kahapon tulad ng isang sinulid;
Nililingon natin ang kahapon tulad ng isang sinulid;
isang puting tuldok ng himulmol na nagkakapangalan
sa dulo ng karayom. Matalas ang bakas ng hintuturo’t
hinlalaki sa kung paano ang ganito at ito ng kabilang mundo,
ng kabilang dakong tatawiran, ng bawat hakbang ng kalendaryo.
Punit ang bawat araw; tanging sulsi ng pangarap
ang magtatagni sa bawat hinagap sa hinaharap.
Ngunit ang lahat ay salat; ang talas ng kinang ay laway
na namuo sa bukambibig ng kalatas – bawat salita’y buhol sa lubid.
Sakaling mapatid ang pag-ikid ng daigdig
huling hininga ma’y idugtong sa pintig ng pag-ibig.
II.
Kapag humihingi tayo ng sundang sa buwan,
ibinibigay niya ito sa hugis ng ulan.
Ang patunay: sa unang lagpak ng butil,
tila wakwak na tumatarak sa katawang lupa.
Sa umpisa, aakalain mo pang talulot ng bulaklak,
koronang nanikluhod, humalik sa balat ng daigdig.
Ngunit malalaman mong tulad ng bawat igkas,
mabigat ang naknak. Sa iyong talampakan,
titingnan mong dugong kumalat ang nagsama-samang patak.
Kung ang ulan ay sundang, tagdan itong nagpapaalala
sa pagitan ng magkalayong lawas-pangkalawakan.
At ang isang hakbang ay hindi
palaging higanteng yabag ng bawat nilalang.
III.
Itinakda mong hindi ka dapat malingid.
Bawat pagligid sa pag-ikid ng araw,
sa iyo, Emperyong Pangkalawakan,
ang lahat ng titig. Kahit ang lahat ay isang
nilalang na itinuring kang buong kalawakan.
Mata sa mata ang batid mong batas sa paligid.
Sa pag-idlip, lahat ay magdidilim.
Ngunit sa paggising, ang liwanag na unang silay
ay huling ningning ng kadiliman.
Hihigupin ka ng kalawakan (at patunay ito sa pagtitig
sa bilog na walang katapusan). Tatayo ka.
Sa unang hakbang, ang Emperyong Pangkalawakan
ay buwang tinundusan ng dayong tagdan.
Mabigat ang lapat kung saan tutungo
ang kasunod na yapak. #
ang kasunod na yapak. #
(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)
No comments:
Post a Comment