XI. Dalisay na galak
Hinahanap natin sa kanya
ang lagda ng dugo
ang mapa ng ating anino.
Para tayong mapangahas na manlalakbay
na kinakapa ang dilim ng daan
ang alon sa kanyang balat
ang arko sa kanyang kilay
ang dagat sa kanyang noo
ang bukal sa kanyang labi
ang baliktad na Bulkang Mayon sa kanyang baba
ang tulay ng San Juanico sa kanyang leeg
ang dalisay na hininga sa kanyang dibdib
ang babasaging uniberso sa dulo ng kanyang kuko
ang batong buhay na nasa kanyang tuhod
ang ugat ng badhi na nasa kanyang talampakan.
Matutuwa tayo kapag nakita natin ito.
O naaninag kahit papaano.
At kung may salamin lamang sa ating harapan,
habang ginagawa natin ito,
nadiskubre na rin natin marahil
ang ganitong tagpo noong tayo'y isilang:
dahil doon natin nauunawaan
ang kahulugan nang dalisay at bunsong galak. #
No comments:
Post a Comment