Friday, April 22, 2011

Mga Tula sa Aking Anak at Asawa (3-5)



III. Pagsilang

Anak, ngayon ang ika-siyam
na buwan nang pagkahuli at pagpiit
sa Morong 43.

Sila yung mga duktor
at manggagawang pangkalusugan 
na hinuli, habang nagseseminar
at nagsasanay sa paggagamot.

Siyam na buwan na silang
ikinulong dahil sa palsipikadong
arrest warrant at itinanim na ebidensya.
May dalawang nanay pa nga doon
na nagsilang habang nasa kulungan.

Siyam na buwan.

Ano'ng hiwaga o siyentipikong katuturan
ang siyam na buwan? Hindi ba't
isang kabuuan, parang isang siklo
ng sinapupunan?

Sa ganitong panahon at araw, anak,
isinilang ka. Ngayong araw.
Maligayang kaarawan.

IV.Ang tawag

Bandang alas-7:30 ng umaga.
Habang nasa taxi kami ni lola mo,
papuntang UST Hospital
para magpa-check up,
tumawag ang Tita Rachel mo.
At sa cellphone,
ipinarinig nya sa akin
ang mga bunso mong iyak at uha.

Pagkatapos nang maiksing
usapan,
ng balita,
at ng text

nag-lowbat ang cellphone ko.

Sa ganoong pagkakataon,
ang cellphone na nalowbat
ay humihiwa ng lamat sa ulirat
nang walang katulad.
Parang langgam na nangangagat
ang di mapakaling paghihintay.

V. Kay Rachel

Sa akin dapat

ang lakas sa bisig
ang ligalig sa isip
ang sumaklot na takot
ang panalanging umamot ng pag-asa at kaligtasan

na inihatag habang
ang iyong panganay na kapatid,
ang aking mahal na asawa, ay nagle-labor
at nasa kabilang hukay ang kanyang isang paa.

Kaya kalakip ang pasintabi't paumanhin
ay ang dalisay na pasasalamat.

Dahil sa iyong pag-ako at pagpapahiram
sa minsang pagkakataon na di malilimutan

Nang isilang si Intoy na minamahal nating lahat. #


(Disclaimer: Ang litrato ay hindi pag-aari ng may-akda. Ito ay halaw lamang sa Google. Inilangkap ang larawan sa orihinal kong tula upang makapag-ambag sa visual na imahen ng tula.)

No comments:

Post a Comment